Kahapon...Ako'y bunga ng isang tunay na pagmamahalan, buong ingat na inaalagan. Siyam na buwang dala-dala sa sinapupunan. Kinasasabikan, inaasam-asam. Noon yon. Noong akoy isang sanggol pa lamang na iniluwal mula sa sinapupunan ng isang ina. Nakangiti, maliwanag ang mundong aking nasilayan, kasing liwanag nang inaakala kung buhay, unang mulat pa lamang ng aking mga mata.
Dumaan ang mga taon at tinahak ko ang buhay kamusmusan,walang hanagad kundi ang magkaroon ng isang makulay na kabataan. Lumaki akong busog sa pangaral ukol sa tamang daan na tataluntunin sa buhay. kahit di pa gaanong ganap na maintindihan ang mga nangyayari sa paligid, isang bukas na aklat para sa akin ang kahirapang minsa'y humampas sa maliit naming pamilya. Puno ng respeto, paggalang...ngunit nakatakda nga palang dumating ang panahong aapaw rin ang nagbubugsong pagtitimpi. Oo, ako'y isang musmos pa lamang, hindi pa sapat ang lakas upang lumaban ng sabayan sa mga tukso ng buhay, ngunit alam ko, alam ng mura kong puso, at naiintindihan ng bata kong isipan ang mga pagdurusang pinapasan ng aming mga magulang. Naranasan kong maging salat sa materyal na bagay. ngunit iyo'y hindi maging hadlang upang wasakin ang pangarap na hinubog ng isang karanasan. Unti-unti, nabuksan ang mura kong isipan. Nakikita ko ang mga dahilan ng paghihirap ng aking mahal na magulang. Sapat na upang sa batang puso ay uusbong ang galit. noon yon-noong nakasilong pa lamang kami sa madilim na anyo ng buhay.
Ngayon...hanggang ngayon ay masasalamin ko pa rin ang madilim na kabanata ng aming buhay. Ngunit iyo'y unti-ynti ko nang tinalikuran at pilit na kalimutan. Iyo'y magsisilbi na lamang bangungot ng panaginip na naging hamon upang maabot ko ang ngayon. Dahil ngayon ko higit na naiintinhan ang lahat ng mga dahilan., habang hinubog ako ng panahon, ngayon ko higit na natutuhang ganun nga pala talaga ang buhay. Minsan, nadadapa ka. Minsan, inaapakan ka, hindi para tuluyang malugmok kundi para matutunan mong tumayo, lumaban at muling lalakad upang hanapin ang tunay na kahulugan ng buhay. Minsan, masakit isiping kailangan mong mamili ngunit ganun nga pala talaga. Dahil sa ganitong paraan mo lang malalaman ang tamang landas na iyong pupuntahan. Ngayon ko naiintindihan na ang galit na minsa'y umusbong sa mura kong damdamin ay dulot lamang nang imahinasyong naglilikot sa munting pusong nakaranas ng matinding depresyon. Ngayon ko mas hinubog ang determinasyon at tiwala sa sarili at sa Diyos para sa isang naghihintay na bukas.
Bukas...ay ang katuparan ng aking mga pangarap. At sa pagdaloy ng panahon, unti-unting lilitaw ang bagong umaga. At sa aking paggising ay mag-iiba ang mukha ng mundo. Magbabago ang anyo nito at masisilayan ko ang bagong anyo ng buhay kung saan nakangiti ang araw, nagsasayaw ang mga punong kahoy sa hihip ng hanging malamyos na dadampi sa aking mukha upang makibahagi sa tagumpay na aking tinatamasa.
Ang nakaraan ay bahagi ng kasalukuyan. Ngunit hinda hadlang upang maabot ang hinihintay na bukas. Bukas, ang aking hinaharap at maging bahagi na naman sa susunod pang bukas...
Ako ito...Kahapo, Ngayon, at Bukas.........
( Written during the final
grading period. IV-Narra
2005 )
Friday, December 5, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment